Maraming mga tao, ang naghahanap ng trabaho
Isa na rito ang mga Pilipinong, kung tawagi’y OFW
Nilisan ang lugar, na kanilang pinanggalingan
Upang tunguhin, masaganang buhay
“Teka nga, teka muna", baka akala niyong masaya
Hindi niyo nakikita, ang totoong eksena
Lalo na kayong mga, naiwang pamilya
Na pinapadalhan buwan-buwan, ng malaking pera
Gusto ko lang malaman niyo, mga kaganapan dito
Bilang isang Pilipino, sa hanay ng OFW
Narating ang Dubai, Saudi, at Qatar
Ngayon ako’y nasa Scotland dito naghahanapbuhay
Pinansin ko ang mga bagay-bagay tungkol sa mga naging buhay
Iba’t-ibang karanasan, kanilang nararanasan
Hindi lahat nagtagumpay sa larangan ng hanapbuhay
May lungkot at saya, may umuwi dahil hindi kaya.
Kaming mga Pilipino, tunay na nagtiis magtrabaho
Dito sa kabilang mundo, upang pamilya’y umasenso
Sakit at hirap, dusa at pawis, aming dinaranas
Sa trabaho’y nagpapagal, minsan laging nag-o-overtime
May mga tumakas pa, sa lupit ng mga among sadista
Hindi alam saan pupunta, saklolo’y kailangan nila
Ang iba nama’y nagtiis, upang sa kahihiyan ay tumalilis
Nagtago ng ilang buwan, hanggang ang sanggol ay sumilang
Ang iba naman sa amin, naghahanap ng kapiling
Dahil sa lumbay, naghahanap ng karamay
Kahit panandalian lamang, mailabas init ng katawan
Kaya tulo’y minsan, sa kulungan sila matatagpuan
At marami sa kababayan, nagdaranas ng kawalan
Sweldo ay ‘di naibibigay, problema ng kompanya kami’y damay
Salamat na lamang, sa kababayan naming nagtagumpay
May mga organisasyon, tumutulong, dumadamay
At sa ibang nakikipagsapalaran, kahit magkanda utang-utang
Makarating lamang sa bansang, akala nila’y matagumpay
Tourist visa o visit visa, student visa, at kung ano-ano pa
Pagdating sa patutunguhan, pagsisisi’y naranasan
Dahil andito na rin lang, kahit anong trabaho’y papasukan
Minsan nakikita mo, palakad lakad sa lansangan
Magandang suot kailangan, kailanga’y maging balingkinitan
Kuntodo ang ngiti sa karamihan, sobrang bango’y puhunan
May mga OFW naman, na sampung taon na yata sa hanapbuhay
Ngunit walang naipupundar, hindi malaman kung nasaan
Hindi marunong mag-ipon, pamilyang naiwa’y bili rito bili roon
Lupa’t bahay na pangunahing kailangan, hanggang ngayo’y nangungupahan
Kahit saang bansa, ako man ay mapunta
Napakaraming OFW, talaga namang naglipana
Hindi maiwan-iwan, ang ugaling sobrang yabang
Oo nga’t matagal ka na, sana’y pagka propesyonal ay makita
Sa maraming nagtagumpay, karamiha’y mga white collar
Malaking sweldong natatanggap sa trabaho’y hindi hirap
Mga pagpapalang natanggap mga biyaya’y talagang ganap
Maraming nabahaginan, pamilya ay nakinabang
At sa pagpatuloy mong tagumpay, ikaw na aking kababayan
Pagtulong sa kapwa’y maglaan, kabutihan ay ialay
Pagpapala sa iba, balik sa iyo ay sobra-sobra
At mararanasan mo pa, ang ginhawa sa tuwi-t’wina
Kaya naman aking dalangin, sa mga nagnanais ay pakaisipin
Mga trabahong papasukan, mag-isip ng kung ilan
Isangguni sa Maykapal, kung ito ba ay laan
H’wag magmadaling lumisan, dahil ito ay kailangan?
Minsan sa pagtakas nagmamadaling umiwas
Kaya’t ang problema, laging kasunod niya
‘Wag matulad kay Jonah, na kinain ng balyena
Matutong sumunod sa gusto ng Diyos
Laging tumawag at laging kumatok
May nakalaang magandang plano, ang Diyos sa’yo
Magandang hanapbuhay, magandang trabaho
Gabay at pagpapala ay makakamtan mo.
Author: Nepthali Paraiso
0 comments:
Post a Comment
Your comments are highly appreciated. Thank you!